Bertdey ng kasamahan ko sa trabaho noong isang araw, Hunyo 22. Naisip kong ilibre siya ng isang tiket sa Virgin Labfest, bilang regalo kahit hindi kami masyadong close. Magandang oportunidad para ma-divirginized siya sa teatro. Mahilig raw kasi sa arts itong office mate ko. Nang ikuwento ko sa kanya ang tungkol sa Virgin Labfest at ipinakita ang line-up ng mga kasaling dula, nagpakita siya ng interes. Lalo na sa Pink Pestibal set! Natuwa ako dahil mukhang may mare-recruit na naman ako sa panonood ngayong taon. Bihira kasi ang mga taong nakakasalamuha ko na may interes sa teatro.
Kaya lang nang i-remind ko siya tungkol sa Labfest, aba, biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Madaming excuses. In short, magba-back out. Pero gusto pa rin daw niya panoorin ang Equus dahil mahilig raw talaga siya sa teatro.
Ako nama’y may tendency maging patola paminsan-minsan. Pabiro ko siyang tinanong nang “Ano nang play ang napanood mo?” nang may kasamang ngiti. Yung beatific at kunyari’y sincere. Sumagot naman si officemate. “Uhm…”
Ayos lang naman sa akin kahit hindi manood si officemate. Masaya pa rin ako kahit papaano na may interes siya sa teatro. Sa katunayan nga eh nilibre ko pa siya sa TokyoTokyo. Sabi niya’y gusto niyang panoorin ang Pink Pestibal. Okay, sure.
Pero sana, inilibre ko na lang siya. Nalaman niya marahil kung BAKIT WALA NANG NAGTATAGPO SA PHILCOA OBERPAS o kung ano ang koneksyon ng BALUNBALUNAN sa BINGIBINGIHAN o kung ang lalaki at si ISAGANI ay iisa lamang.
Sa isang banda, may palagay ako na hindi niya magugustuhan ang unang set na pinamagatang PARIAH PARAISO. May pagka-boring kasi ang karamihan sa mga dula. Feeling ko’y aantukin si office mate unang dula pa lang – yung ISAGANI. Carry lang siguro sa kanya ang mga naunang eksena lalo na nang pumasok ang bida pagkatapos ng murahan at sigawan sa background. Matutuwa rin siya marahil sa pagpapatawa nito. Sasabihin ko sa kanya na “Mas magaling ka pang manggaya kesa sa kanya.” Siyempre, matutuwa siya’t matatawa.
Totoo iyon. Na mas magaling pa si officemate manggaya ng persona kesa kay John San Antonio na gumanap bilang Isagani sa dulang isinulat ni Alex Yasuda. Ewan ko ba, hindi pumatok sa ‘kin yung pagpapatawa ni Isagani sa panggagaya sa mga pulitiko. Hindi ko lang siguro nakuha kung sino ang ginagaya niya. Konti lang din ang tumawa kaya napahinga ako nang maluwag, dahil hindi ako ang me problema.
Ang problema sa dulang Isagani ay may pagka-melodramatic ito. Ang mga linya at litanya’y
katunog ng napapanood sa teleserye sa TV. Eh allergic pa naman ang karamihan dito. Kaya pakiramdam ko eh nanonood ako ng TV. Mahirap ding sundan ang takbo ng naratibo. Ang totoo’y hindi ko alam kung paano’ng nagtapos ang dula. Gaano man kasi kasaklap ang nangyari kay Isagani, mahirap maka-connect sa pinagdaanan niya, kaya kahit na ngumawa pa siya nang malakas, nanatiling bingi ang kamalayan ko.
Bingi-bingihan. Iyan naman ang laro ni Gilbeys sa ikalawang dula na isinulat ni Debbie Tan at idinerehe ni Issa Lopez – BALUNBALUNAN, BINGIBINGIHAN. Madalas, nagkukunwa siyang walang naririnig kapag kinakausap siya ng kinakasama niya sa bahay, si Brandy, na mas bata sa kanya nang halos 20 taon. Gabi-gabi, inuuwian siya ng balunbalunan dahil ito lang ang kayang sikmurahin ng tiyan niya.
Kumpara sa naunang dula, medyo magulo ang set ng BALUNBALUNAN, na bumagay naman sa kabuuang atmospera ng entablado. Sa may looban o squatters’ area nakatira sina Gilbeys at Brandy kung kaya’t maliit at masikip ang lungga nila. Nagkalat rin ang iba’t-ibang klase ng costumes – mga gamit ni Brandy sa kumplikado nitong trabaho. Halos minu-minuto siya nagpapalit at walang pag-aalinlangan si Missy Maramara sa aspektong ito na para bang kampanteng-kampante siya sa kanyang katawan. Kahit batikang aktor ang kasama niya (si Bembol Roco bilang Gilbeys), hindi siya kakakitaan ng timidity o pagkailang. Patok rin ang mga punchlines niya.
Gayong nagampanan naman ni PJ Paule bilang Whiskey ang papel niya, hindi pa rin iyon sapat para lumibel kina Maramara at Roco. Sa ibang sabi’y tila miscast siya sa dula. Hindi ko maiwasang maisip si Ryan Neil Sesse sa Orfeo sa Impyerno kapag nasa eksena si Whiskey. Bagay kasi kay Sesse ang role, at halos katulad rin ng Orfeo ang pagsali niya sa buhay ng mag-asawa.
Alam nating hindi matitinag ang dalawa sa pangingialam at panunukso ni Whiskey kay Brandy dahil, sabi sa synopsis (na kababasa ko lang bago magsimula ang dula), malalim ang pinagsamahan ng magkapareha. (Masyadong madetalye ang mga synopsis sa programme, nawawala ang misteryo ng ilang dula) Sa huli’y hindi na ako nagtaka nang lulamlam ang ilaw ng tanghalan habang sila’y mahigpit na magyakap.
Maliwanag ang ilaw sa produksyon ng BAKIT WALA NANG NAGTATAGPO SA PHILCOA OBERPAS mula sa panulat ni Carlo Garcia sa ilalim ng direksyon ni Riki Benedicto. Hindi ko tuloy maiwasang i-imagine ang Philcoa overpass kung gabi. Ganoon ba kaliwanag sa bahaging iyon ng lungsod?
Madaling sundan ang kaganapan sa dula. Mukhang simple lang naman kasi ang nangyayari. May magkasintahang nagka-debelopan sa chat at text ang mag-a-eyeball sa oberpas. Muli, hindi mo maiiwasang magtanong. Posible pa kaya ang ganitong set-up sa kasalukuyan? Nasagot naman ito ng script ni Garcia. Si Lalaki ay adventurous, at mukhang game naman si Babae.
Nang ma-resolve ang conflict, muli ka ring magtatanong – Yun na yun? Kasunod niyon ay panghihinayang. At least, sa kaso ko. Pakiramdam ko kasi’y pinangakuan ako ng bonggang-bongga tapos iyon lang pala iyon? Pero in fairness, bibo ang direksyon ni Benedicto. Kung pamilyar ka sa Philcoa oberpas, hindi ka mag-aalinlangang tanggapin na doon nga ang lokasyon ng dula. Ang hindi ko lang maintidihan ay ang mga song-and-dance number na tila ambong pabugso-bugso sa pagitan ng mga eksena. Pasulpot-sulpot rin ang ilang ekstra. Pero ewan ko, hindi ako masyadong natuwa sa kanila. Para kasing naglalaro lang sila sa set.
Kapag ikukuwento ko ang lahat ng ito kay office mate, sana’y tumindi ang interes niya na manood. Pero hindi ko isasali ang mga reaksyon ko, dahil may karapatan siya sa sarili niyang opinyon.