Natatawa ako kapag naaalala ko ang translation ng dating officemate ko sa ISS, si John, sa Motorcycle Diaries. Motorsiklo Diarrhea.
Sa Instituto Cervantes ko napanood ang pelikulang ito noong nakaraang taon.
Sino ba’ng hindi nakakakilala kay Che Guevarra, popular icon ng revolution. Sa totoo lang, bukod sa mga t-shirt na nakikita kung suot ng kung sinuman (madalas ng mga kalalakihan na nagpi-feeling astig o rock star), hindi ako pamilyar kay Guevarra. Sa pagkakaalam ko, hindi ko man lamang siya nadaanan sa mga history books.
Pagkatapos na mapanood ang pelikulang “Motorcycle Diaries” sa Instituto Cervantes noong sabado, nagkaroon ako ng munting kaalaman kay Che Guevarra. Trivia: Isa siyang medical practitioner noong kabataan niya; kilala siya sa tawag na “Fuser” at meron siyang asthma.
True to its title, “Motorcycle Diaries” is about the journey of Dr. Ernesto Guevarra “Fuser” or “Che” and his friend, Dr. Alberto who’s a chemist, from Argentina to Peru.
Medyo biased ako sa mga pelikulang base sa tunay na buhay, boring kasi ang halos lahat ng pelikulang napanood ko na may katulad na tema. Pero binago ng Motorcycle Diaries ang baluktot na paniniwalang ito.
Sa ikaapat na pagkakataon, pinahanga ako ni Gael Garcia Bernal sa kanyang galing sa pag-arte. Una kong nasilayan ang kanyang kahusayan sa Y Tu Mama Tambien, El Crimen Del Padre Amaro at Amores Perros. Sana mapanood ko dalawa pa niyang pelikula: The King at Mal Educacion. At sana’y hindi siya nakawin ng Hollywood. Huwag sana siyang matulad kay Penelope Cruz.
Simple lang naman ang banghay ng pelikula. Madaling masundan dahil linyar ang kuwento’t may iisang goal: ang makapunta sa Peru sakay ng motorsiklo. Sa kanilang paglalakbay, nakakasumpong sila ng iba’t-ibang aksidente, kabiguan at sorpresa na kung hindi katawatawa ay kaawaawa. Pero kailanman ay hindi naging trying hard na magpatawa o magpaiyak ang pelikula.
Kinikilabutan ako sa tuwing inaatake ng hika si Fuser. Ramdam na ramdam mo ang paghihirap niya na lalong binigyang buhay ng masuhay na aktor.Hindi rin pumalya ang sidekick na si Alberto sa mga pagpapatawa nito.
Maraming mga memorableng eksena sa pelikula na tatatak sa isipan ng manonood:
1. Ang tuluyang pagkasira ng kanilang motorsiklo na ilang beses ding sumemplang, na hindi na naremedyuhan ng mekaniko kaya’t napilitan silang ipagbili, na habang sakay ito ng truck ay umiyak si Alberto.
2. Ang nakakatawang kumbersasyon ng magkaibigan sa magkapatid na Chilean, kung saan ipinamalas ng dalawa ang galing nila sa effective communication upang papaniwalain ang magkapatid na sila’y tunay na nangangailangan ng tulong.
3. Ang interaksyon nila sa katutubong Inca.
4. Ang sinserong pakikihalubilo ng dalawa sa mga pasyenteng may leprosy na sinegregate sa isang isla upang hindi makapanghawa ng mga normal na tao.
Kaipala’y ang pelikula ay hindi tungkol sa kabayanihan ni Che Guevarra bilang rebolusyonaryo kundi tungkol sa kabayanihan niya bilang tao’t doktor.