Enthusiastic sa buhay. Ang daming pangarap. Adventurous. Mahilig magpunta sa mga film venues at festivals kahit mag-isa. Halos kada Sabado nanonood ng Spanish film sa Instituto Cervantes (sa likod pa ng St. Benilde ang building nila dati). O kaya’y dumadayo pa talaga sa Titus Brandsma sa Cubao ‘pag linggo ng hapon. Hindi rin pumapalya sa Spanish film festival sa Greenbelt. Laging naka-antabay sa mga palabas sa UP Film Center at CCP.
Sumasali rin dati sa mga screenplay contest. Minsan ding pinatid sa Ricky Lee sa bahay nito sa Quezon City nang subukang mag-audition para sa scriptwriting workshop. Sabi pa ng isang babaeng aspiring din na writer, mukha raw matatanggap ako. Natuwa naman ako. Pero siyempre, aspiring writer lang ako dati (kahit ngayon), hindi magaling. Kaya hindi ako natanggap. Hindi ‘ata umepekto ang pagki-kiss ass sa application form. Naaalala ko pa ang sinagot ko sa isa sa mga tanong: How Well Do You Know Ricky Lee? Sabi ko, paborito ko ang Kadenang Bulaklak niya at nagagalingan ako sa kanya.
